Huling Paalam
Paalam na, sintang lupang tinubuan,
Bayang masagana sa init ng araw,
Edeng maligaya sa ami’y pumanaw
At perlas ng dagat sa dakong Silangan.
Inihahandog ko ng ganap na tuwa
Sa iyo yaring buhay na lanta na’t aba;
Naging dakila ma’y iaalay rin nga
Kung dahil sa iyong ikatitimawa.
Ang nanga sa digmaan dumog sa paglaban
Handog din sa iyo ang kanilang buhay,
Hirap ay di pansin at di gunamgunam
Ang pagkaparool o pagtagumpay.
Bibitaya’t madlang mabangis na sakit
O pakikibakang lubhang mapanganib,
Pawang titiisin kung ito ang nais
Ng baya’t tahanang pinakaiibig.
Ako’y mamamatay ngayong minamalas
Ang kulay ng langit na nanganganinag
Ibinababalang araw ay sisikat
Sa kabila niyang mapanglaw na ulap.
Kung dugo ang iyong kinakailangan
Sa ikadidilag ng iyong pagsilang,
Dugo ko’y ibubo’t sa isa man lamang
Nang gumigiti mong sinag ay kuminang.
Ang mga nasa ko, mulang magkaisip,
Magpahanggang ngayon maganap ang bait,
Ang ikaw’y makitnag hiyas na marikit
Ng dagat Silangan na nakaliligid.
Noo mo’y maningning at sa mga mata
Mapait na luha bakas ma’y wala na,
Wala ka ng poot, wala ng balisa,
Walang kadungua’t munti mang pangamba,
Sa sandaling buhay maalab kong nais
Ang kagalingan mo’t ang paiwang sulit
Ng kaluluwa king gayak ng aalis:
Ginhawa’y kamtan mo! Anong pagkarikit!
Nang maaba’t ikaw’y mapataas lamang,
Mamatay at upang mabigyan kang buihay,
Malibing sa lupang puspos ng karika’t
Sa silong ng iyong langit ay mahimlay.
Kung sa ibang araw ikaw’y may mapansin
Nipot na bulaklak sa aba kong libing,
Sa gitna ng mga damong masisinsin,
Hagka’t ang halik mo’y itaos sa akin.
Sa samyo ng iyong pagsuyong matamis,
Mataos na taghoy ng may sintang sibsib,
Bayang tumaggap noo ko ng init,
Na natatabunan ng lupang malamig.
Bayan mong ako’y malasin ng buwan
Sa liwang niyang hilano’t malamlam;
Bayan ihatid sa aking liwayway
Ang banaang niyang dagling napaparam.
Bayaang humalik ang simoy ng hangin;
Bayaang sa huning masaya’y awitin
Ng darapong ibon sa kurus ng libing
Ang buhay payapang ikinaaaliw.
Bayaang ang araw na lubhang maningas
Pawiin ang ulan, gawing pawang ulap,
Maging panganuring sa langit umakyat,
At ang aking daing ay mapakilangkap.
Bayaang ang aking maagang pagpanw,
Itangis ng isnag lubos na nagmamahal;
Kung may umalala sa akin ng dasal,
Ako’y iyo sanang idalangin naman.
Idalangin mo rin ang di nagkapalad,
Na nangamatay na’t yaong nanganhirap
sa daming pasakit, at ang lumalangap
naming mga ina luhang masaklap.
Idalangin sampo ng bawa’t ulila
at nangapipiit na tigib ng dusa;
idalangin mo ring ikaw’y matubos na
sa pagkaaping laong binata.
Kung nababalot na ang mga libingan
Ng sapot na itim ng gabing mapanglaw,
at wala ng tanod kundi pawing patay,
huwang gambalain ang katahimikan.
Pagpitagan mo ang hiwagang lihim,
at mapapakinggan ang tinig marahil,
ng isang saltero: Ito nga’y ako ring
inaawitanka ng aking paggiliw.
Kung ang libingan kong limot na ang madla
ay wala nang kurus at bato mang tanda
sa nangangabubukid ay ipaubayang
bungkali’t isabog ang natipong lupa.
Ang mga abo ko’y bago pailanglang
mauwi sa wala na pinaggalingan,
ay makalt munag parang kapupunanng
iyong alabok sa lupang tuntungan.
Sa gayo’y walaa ng anoman sa akin,
na limutin mo ma’t aking lilibutin
ang himpapawid mo kaparanga’t hangin
at ako sa iyo’y magiging taginting.
Bango, tinig, higing, awit na masaya
liwanag aat kulay na lugod ng mata’t
uulit-ulitin sa tuwi-tuwina.
Ako’y yayao na sa bayang payapa,
na walang alipi’t punoing mapang-aba,
doo’y di nanatay ang paniniwala
at ang naghahari Diyos na dakila.
Paalam anak, magulang, kapatid,
bahagi ng puso’t unang nakaniig,
ipagpasalamat ang aking pag-alis
sa buhay na itong lagi ng ligalig.
Paalam na liyag, tanging kaulayaw,
taga ibang lupang aking katuwaan,
paaalam sa inyo, mga minamahal;
mamatay ay ganap na katahimikan.
----> Salin ito ng huling sinulat ni Rizal nguni’t walang pamagat. Sinulat niya ito sa Fort Santiago, isinilid sa kusinilyang dealkohol, at ibinigay sa kapatid na si Trinidad nang huling dumalaw sa kaniya bago siya (Rizal) barilin.
Ang tulang kilala ngayon sa pamagat na “Ultimo Adios” o “Huling Paalam” ang likhang-guro o obra maestra ni Rizal. Ang orihinal sa kastila ay isinalin na sa mga pangunahing wika sa daigdif, tulad ng Ingles, Prances, Aleman, Italyano, Nippongo, Malyo, at marami pang iba, gayon din sa iba’t ibang wikain sa Pilipinas, tulad ng Tagalog , Ilokano, kapampangan, Pangasinan, Bikol, Sugbuhanion, Hiligaynon, at iba pa.
Maraming nagsalin ng tula sa Tagalog, nguni’t ang pinakakaraniwang bigkasin at siyang matatagpuan sa Luneta ay ang salin ni Jose Gatmaytan na matutunghayan dito. Ang kahuli-hulihang tulang ito ni Rizal ay tigib ng kalungkutan pagka’t maiiwan na niya ang kaniyang mga minamahal sa buhay at mawawalay na siya sa kaniyang bayan. Sa harap ng kamatayan, wala siyang hiniling para sa sarili; ang lahat ay para sa kapakanan ng kaniyang mga kababayan at ng kaniyang bayan